Sulat Paumanhin ng Isang Gago

Mahal ko,

Patawad.
Kung pinaniwala kita sa mga pangako na isa-isa kong kinalimutan.
Di mo nalang sana ako pinagkatiwalaan.

Patawad.
Kung pinaasa kitang mas magiging masaya pa ang ating bukas.
Naniwala ka sa mga salita na nagmula sa bibig ni Hudas.

Patawad.
Kung ang bawat halik sa iyong bibig ay lason sa iyong pagkatao.
Lakas pa nang loob ko na di ka payagang manigarilyo.

Patawad.
Kung pakramdam mong para sa akin lahat ito ay isang laro.
Ito kasi ang naisip kong paraan para ako ay magseryoso.

Patawad.
Kung di ko sinasagot ang iyong mga tawag.
Hindi ko kasi kayang marinig ang iyong boses na umiiyak.

Patawad.
Kung bawat gabi ay patuloy na umaagos ang luha sa iyong mga mata.
Hayaan mo na, matatapos rin ang bagyo at matutuyo rin ang baha.

Patawad.
Kung palagay mo’y wala nang kwenta pa ang mabuhay dito sa mundo.
Iibig ka pang muli. Makakalimutan mo rin ako.

At patawad.
Kung kailangan nating humantong pa dito.

Kasalanan ko.
Dahil hindi ko iningatan ang tiwala mo sa akin.

Kasalanan ko.
Dahil hindi ako makontento sa pag-ibig na ibinibigay mo.

Kasalanan ko.
Dahil hindi ko kayang umiwas sa temptasyon

Kasalanan ko.
Dahil meron akong iba

Kasalanan ko.
Dahil hindi ako marunong magmahal

Kasalanan ko.

Wala nang rason pa upang ika’y manatili sa akin.
Wala akong karapatan na humingi sayo nang isa pang pagkakataon.
Wala nang nang dahilan pa na paniwalaan mo ulit ang isang gagong katulad ko.
Babasagin ko lang muli ang puso mo.

Kaya kung dati’y hawak-hawak pa kita, 
patawad dahil bumitaw ako.

Kung ako man ay napatawad na,
patawad parin sa aking mga nagawa.

Kung kinasusuklaman mo ako,
nasusuklam rin ako sa sarili ko.

Kung natatakot ka,
wala kang dapat katakutan.

Kung nasasaktan ka pa rin,
maghihilom din ang mga sugat mo.

Kung nahihirapan ka man,
Magiging maayos din ang lahat.

Kung ikaw man ay nawawala,
hindi na kita hahanapin.

At kung minahal mo ako noon,
wag mo nang uulitin.

Patawad.
Paalam.

Nagmamahal at patuloy na magmamahal,

Advertisements