Ang walang kwentang tuluyan

Tatlong oras kong tinitigan ang blankong screen nang aking laptop. Nagbabakasakaling sana’y merong pumasok na inspirasyon sa aking kukote at may maisulat akong matino.
Pero wala.

Kung gaano ako kahangal tignan sa harapan ng aking laptop noong ginagawa ko ang tuluyang ito, ay ganun din ako kahangal noong inalay ko sayo ang puso ko.

Kung gaano kablangko ang ang digital na pahinang aking sinulatan noon ay ganoon din kablanko ang pag-asang ibigin mo’ko.

Sabi nila’y inspirasyon daw ang kailangan upang ang isang likhang panitikan ay mabuo.
Ngunit bakit ba natuto lang akong sumulat dahil binasag mo ako?

Ito’y hindi inspirasyon. Desperasyon ang tawag dito!
Desperado akong marinig mo ang sigaw ng puso kong tumitibok para sayo!
Desperado akong mabigyan nang kahit konting pagtingin mo.
Oo. Desperado ako.
At higit pa sa desperasyon kong makuha ang atensyon mo,
Ay ang desperasyon ko na sana’y hindi pa huli ang lahat para magkaroon ng “tayo”

Pero tulad nitong sulat-tuluyang aking kasalukuyang ginagawa,
Wala nang kwenta kahit na ito ay ipagpatuloy ko pa.

Kahit pa na ibuhos ko man ang buong bokabularyo ko sa isang panitikan at i-alay ko sa iyo,
Alam kong di mo ito babasahin
Kahit pa na ubusin ko ang lahat ng boses ko masabi ko lamang ang nararamdaman ng puso kong ito,
Alam kong di mo ako papakinggan.

Siguro’y mas komportableng sumakay sa kanyang motorsiklo kaysa sa likod ko ikaw um-aba,
Siguro’y mas masayang pakinggan ang live na banda kaysa sa marinig akong kumakanta.
Siguro’y mas masarap ang mga tsokolate kaysa sa mga matatamis kong mga tanaga.
Siguro’y mas maganda at mabango ang mga rosas kaysa sa mga punyeta kong tula.
Siguro’y mas lamang siya sa lahat-lahat.
Dahil kanya ka na.

Nakakaalibadbad.
Ang naisin ng buong pagkatao ko ang maging siya.
Nakakabobo.
Ang isipin ka kahit na alam kong may kapiling ka nang iba.

Kaya ako ngayon ay katulad nitong tuluyan kong sinulat.
Walang direksyon, pangit at nakakabagot.
Malungkot at walang kabuhay-buhay.

Walang kwenta.

Tama na siguro.
Nakakapagod na rin eh.
Nakakapagod nang maghintay.
Nakakapagod nang umasa.
Nakakapagod nang magmahal

Kaya’t ititigil ko itong mga kahibangan.
Ititigil ko na ang tulang ito,
At ititigil ko na ang pagibig ko sayo.

Advertisements